MANILA, Philippines - Planong kausapin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang mga operator ng shopping malls para sa pagpapatupad ng “staggered schedule” upang maibsan lamang ang inaasahang kalbaryo ng trapiko ngayong Kapaskuhan.
Ayon sa MMDA dahil sa nalalapit na ang buwan ng Kapaskuhan, inaasahang dudumugin ang mga shopping mall ng mga mamimili lalu pa’t ang karamihan dito ay nakatanggap na ng 13th month pay.
Sa “staggered schedule” maari umanong magbukas ang ibang mall ng alas-8:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi habang ang iba naman ay maaring magbukas mula alas-10:00 ng umaga hanggang hatinggabi.
Pinayuhan ni Tolentino ang mga shopper na gawin na ang kanilang pamimili ng mas maaga upang makaiwas sa holiday rush at hindi na maabala pa sa inaasahang matinding trapik malapit sa mga malls. (Lordeth Bonilla)