Binay puwede pang sampahan ng rebelyon - Miriam

MANILA, Philippines - Maaari pang habulin ng gobyerno at kasuhan ng “conspiracy to commit rebellion” si Vice Pres. Jejomar Binay matapos mabunyag na kasabwat umano ito sa mga nagplanong maglunsad ng kudeta laban kay dating Pangulong Gloria Arroyo.

Ayon kay Sen. Mi­riam Defensor-Santiago, maaring mahatulan ng guilty si Binay matapos ang rebelasyon ni Sen. Antonito Trillanes IV na kasama umano sa mga nagplano ng kudeta noong maganap ang Manila Peninsula siege.

Sinabi ni Santiago na ang “conspiracy to commit rebellion” ay may tinatawag na prescription period na 10 taon at dahil naganap ang insidente noong 2007 maari pa ring habulin ng gobyerno ang mga ka­sabwat sa krimen hanggang 2017.

Nauna rito, ibinunyag ni Trillanes na nangako si Binay na susuportahan ang planong pagpapatalsik kay Arroyo at naging instrument rin ito para maipasok ang mga armas sa Makati City Hall na ginamit ng grupong Magdalo sa paglulunsad ng bigong kudeta.

Hindi umano tinupad ni Binay ang kanyang pangako na siya ang magmo-mobilize ng mga sibilyan mula sa Makati na susupora sa grupong Magdalo

Nauna ng ipinaliwanag ni Trillanes na wala siyang planong ilaglag si Binay at ibinunyag lamang niya ang hindi pagtupad ng bise presidente sa kanyang pa­ngako upang patunayan na wala itong isang salita matapos umatras sa nakatakda sana nilang debate sa Nobyembre 27.

Sa ilalim ng Article 136 ng Penal Code, ang ‘conspiracy to commit rebellion’ ay may paru­sang apat na taong pagka­bilanggo at mul­tang P5,000.

Sinabi ni Santiago na ang mismong pagsali ni Binay at pagpayag na patalsikin noon ang gobyerno ay maituturing ng isang krimen kahit pa hindi nito natupad ang pangako na siya ang magmo-mobilze ng mga sibilyang sasama sa kudeta.

Matatandaan na ta­nging ang grupo lamang ni Trillanes at iba pang civilian supporters nito ang nabigyan ng amnestiya ni Pangulong Aquino noong 2010 at hindi kasama sa nag-aplay si Binay.

Dapat aniya ay nag-aplay rin si Binay ng amnesty mula sa Department of National Defense base sa probisyon ng Presidential Proclamation No. 75, s. 2010.

Pero ang aplikasyon ng amnesty ay nagtapos na noong Marso 2011.

Naniniwala si Santiago na maari pa ring habulin ng gobyerno si Binay hangga’t hindi nagtatapos ang panahon para sa pagsasampa ng kaso. (Malou Escudero)

 

Show comments