Peacekeeper nilagnat!

MANILA, Philippines - Isang Pinoy peacekeeper mula Liberia ang inoobserbahan ngayon laban sa pagkakaroon ng Ebola virus matapos lagnatin.

Tumanggi naman si Health acting Secretary Janette Garin na pa­ngalanan ang nasabing peacekeeper na kabilang sa 133 dumating sa bansa at naka-quarantine ngayon sa Caballo island sa Cavite.

Base sa impormasyon bigla na lamang nanghina, nilagnat, nagsuka at gininaw ang nasabing peacekeeper kahapon ng umaga.

Sa ilalim anya ng rou­tine protocol, agad itong inilipat sa isolation room at saka dinala sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Alabang, Muntinlupa.

Nilinaw naman ni Garin na hindi pa kumpirmado kung Ebola virus nga ang iniinda ng Pinoy dahil wala pa ring sintomas nito ang pasyente.

May posibilidad umanong bumalik ang dating sakit na mala­ria ng sundalo o kaya naman ay hindi ito nagamot nang maayos. 

Binigyan diin din ni Garin na hindi pa kaila­ngan ang personal pro­tective equipment ng health workers dahil lag­nat lamang ito at walang body secretions kagaya ng suka, ihi, o pagtatae na pwedeng panggalingan ng virus.

Nakakahawa aniya ang Ebola kung may mga sintomas na ang pas­yente. Hindi ito airborne at hindi madaling makahawa.

Sinabi rin ni Garin na Ebola-free pa rin ang Pilipinas kaya umapela ito sa publiko na huwag mag-panic.

Kabilang sa 133 peacekeepers na duma­ting sa bansa mula Liberia nitong Nobyembere 12 ay 108 sundalo, 24 pulis at isang BJMP na kasalukuyang sumasailalim sa 21 araw na quarantine sa Caballo Island.

Sa rekord, ang Ebola ay kumitil na ng mahigit 5,000 katao sa Western Africa na kinabibilangan ng Liberia, Sierra Leone at Guinea.

Samantalang nili­naw  naman ng AFP na sa ganitong sitwasyon lahat ng mga medical at military personnel na kukuha sa pasyente sa isolation ward pa lamang sa Caballo ay dapat nakasuot na ng mga HazMat suit para maiwasan magkahawaan sakali mang nakalusot ang Ebola virus sa Pilipinas.

 

Show comments