PNP officials kinasuhan sa nawawalang mga armas

MANILA, Philippines - Kinasuhan ng Ombudsman ang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa pagkawala ng 1,004 high-powered AK47 firearms na sinasabing naibenta na sa New People’s Army (NPA).

Sinampahan ng 19 counts ng Falsification, 23 counts ng paglabag sa Republic Act No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), 23 counts ng paglabag sa R.A. 3019 at paglabag sa R.A. 5487 (Private Security Agency Law) sina PNP officials P/Dir. Gil Meneses, P/Dir. Napoleon Estilles, P/CSupt. Raul Petrasanta, P/CSupt. Tomas Rentoy II, P/CSupt. Regino Catiis, P/SSupt. Eduardo Acierto, P/SSupt. Allan Parreno, P/Supt. Nelson Bautista, P/CInsp. Ricky Sumalde, P/CInsp. Ricardo Zapata Jr., P/CInsp. Rodrigo Benedicto Sarmiento, SPO1 Eric Tan, SPO1 Randy De Sesto at tatlong non-uniformed personnel. 

Kinasuhan din ng kri­minal sina Isidro Lozada, may-ari ng Caraga Security Agency at representatives ng gun supplier, Twin Pines, Inc.

Naisampa rin ang kasong administratibo dahil sa Grave Misconduct at Serious Dishonesty laban sa PNP-FEO officials.

Sinasabing apat na private security agencies at isang mining company ang matagumpay na nakapag-apply at naisyuhan ng firearms licenses ng PNP-FEO gamit ang mga peke at kulang na mga dokumento na requirements para rito.

Ang 1,004 licensed firearms daw ay naipalabas kahit kulang sa dokumento ang naisumite ni Lozada na bumili ng armas mula sa Twin Pines, Inc.

Kahit na may iregularidad sa aplikasyon, naipalabas ang lisensiya ng mga baril na inaprubahan ng PNP-FEO officials at mga tauhan nito.

 

Show comments