MANILA, Philippines – Tila patuloy ang pagtaas ng tensyon sa pagitan ni Senador Antonio Trillanes at ng pamilyang Binay matapos silang magkasagutan sa pagdinig ng Senado ngayong Huwebes.
Habang dinidinig ang umano'y overpriced na Iloilo Convention Center (ICC) ay naisingit ni Trillanes ang kontrobersyal na Makati City Hall II parking building sa usapan na hindi ikinatuwa ni Nancy Binay.
Napuna ni Trillanes na pareho ang contractor ng Makati building at ng ICC, ngunit ang pinagkaiba ay dumaan sa bidding ang bawatp phase ng proyekto sa Iloilo.
"For the record, can I just correct Senator Trillanes. It's not the Makati parking building its the Makati City Building II," wika ni Binay.
"We also have a basis to say it as Makati parking building because in all the bidding documents, it is stated there as so," sagot naman ni Trillanes.
"But lets not fight over the name for as long as overprice siya nang over a billion, okay tayo doon," dagdag ng dating sundalo.
Sumabat na rin sa usapan si Sen. Teofisto Guingona III, chair ng Blue Ribbon Committee, upang paalalahanan ang mga senador na tutukan ang imbestigasyon sa ICC.
Inakusahan ni Trillanes si Bise Presidente Jejomar Binay at ang kanyang pamilya na namulsa ng pera sa iba't ibang proyekto sa lungsod ng Makati.
Ang Hilmarc's Construction Corp. ang contractor ng Makati project at ICC.