OFWs ‘wag kunan ng placement fee - POEA

MANILA, Philippines - Nagpaalala si Philippine Overseas Employment Administration (POEA) chief Hans Leo Cacdac hinggil sa batas kaugnay ng “no placement fee” sa mga overseas Filipino workers na magtatrabaho sa ibayong dagat.

Ayon kay Cacdac, ang mga domestic workers, caregivers at mga seafarers ay hindi dapat pagbayarin ng placement fee ng kanilang mga recruiter.

Maging ang mga OFWs na patungong Estados Unidos (H2B visa), Canada, United Kingdom, Ireland at Netherlands ay hindi rin dapat singilin ng placement fee.

Nilinaw naman ni Cacdac na maliban sa mga nabanggit na bansa, pinapayagan na ng pamahalaan ang pagpapataw ng placement fee sa iba pang lugar na destinasyon ng mga OFW.

Ang pinapayagan lamang ng pamahalaan na halaga ng placement fee ay katumbas ng isang buwang sahod ng manggagawa.

Dapat din itong bayaran sa sandaling nalagdaan na ang employment contract at dapat ding may official receipt na inisyu ang recruitment agency, kung saan nakasaad kung para saan ang naturang bayad.

Mahigpit din ang paalala ni Cacdac sa mga OFWs na makipag-negosasyon lamang sa mga recruiter na lisensyado ng POEA.

Show comments