MANILA, Philippines - Bukod sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building II, apat pang gusali ang isasailalim sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon sub-committee dahil sa isyu ng overpricing.
Kinumpirma kahapon ni Sen. Antonio Trillanes na hindi pa matatapos ang kanilang imbestigasyon kahit pa mistulang kinuwestiyon na ni Pangulong Aquino ang paunti-unting paglalabas ng mga dokumento laban kay Vice President Jejomar Binay.
Ayon pa kay Trillanes posibeng umabot pa ng Abril hanggang Mayo ang gagawin nilang imbestigasyon laban kay Binay dahil sa patuloy na lumalabas na mga ebidensiya at dokumento laban sa kanya.
Bukod sa Makati City Hall Building II, sumasailalim na rin sa imbestigasyon ang Makati Science High School. Iimbestigahan din umano ang Makati City Hall Building I, Makati Nursing Building, Ospital ng Makati at Makati Friendship Suites.
Sabi ni Trillanes, ang Makati Friendship Suites ay itinayo upang matirahan ng mga nasunugan sa Makati base na rin sa ipinasang resolusyon ng konseho pero hindi umano ito napakinabangan ng mga mamamayan ng Makati.
Itinakda naman sa darating na Sabado ang ocular inspection sa Makati Science High School na isa rin umano sa mga overpriced na gusali.