MANILA, Philippines - “Dapat hands-off ang Presidente sa conduct ng legislative investigation.”
Ito ang naging pahayag kahapon ni Sen. Koko Pimentel, chairman ng Senate Blue Ribbon sub-committee tungkol sa naging pahayag ni Pangulong Aquino na hindi dapat paunti-unti ang paglalabas ng ebidensiya sa isinasagawang imbestigasyon laban kay Vice Pres. Jejomar Binay.
Sa isang text message ipinahiwatig ni Pimentel na hindi maaring pabilisin o ipahinto ng Pangulo ang anumang imbestigasyon kahit pa ang iniimbestigahan ay malapit sa kanya o miyembro ng Gabinete.
Naniniwala si Pimentel na hindi magandang precedent ang naging pahayag ng Pangulo dahil maaring isipin na pinakikialaman nito ang isang co-equal branch ng gobyerno.
Ayon pa kay Pimentel dapat ang pinupuna ng Pangulo ay ang mga departamento na nasa ilalim ng executive branch katulad ng Department of Justice na nagsasagawa rin ng kahiwalay na imbestigasyon tungkol sa sinasabing overpriced building sa Makati at maging sa mga diumano’y ill-gotten wealth ni Binay.
Nilinaw naman ng Malacañang na hindi nanghihimasok si Pangulong Aquino o nagdidikta sa Senado kaugnay sa naging pakiusap nito kamakalawa ng gabi na tapusin na at huwag gawing utay-utay ang pag-imbestiga kay VP Binay.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, ang hiling lang ng Pangulo ay huwag utay-utay ang paghahanap ng ebidensiya kundi dapat lahatan upang kasuhan na ang dapat kasuhan at i-abswelto ang walang kasalanan.