Peacekeepers sa Liberia dumating na
MANILA, Philippines - Dumating na kahapon sa bansa ang mga Pinoy peacekeepers galing sa Liberia na apektado ng epidemya ng nakamamatay at nakahahawang sakit na Ebola.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) spokesman Lt. Col. Enrico Canaya, alas-5:04 ng hapon ng lumapag sa Villamor Air Base ang UT Air galing Monrovia, Liberia na sinasakyan ng 108th 18th Philippine Contingent to Liberia (PCL).
Kabilang sa dumating ay 23 mula sa PNP at isang miyembro ng Bureau of Jail Management (BJMP) na nagsilbing bahagi ng peacekeeping mission ng United Nations Police. Ang mga ito ay sasailalim sa 21 araw na quarantine sa Caballo Island paradise sa Cavite.
Matapos dumaan sa thermal scanner ay isinakay ang mga ito ng tatlong bus ng PAF na patungong Cavite.
Isang seremonya rin sa pamamagitan ng live screening ang isinagawa bilang ‘welcome ceremony’ sa mga bayaning peacekeepers sa PAF Museum na pinanood na lamang ng kanilang mga pamilya dahil bawal muna ang mga itong lapitan.
Halos isang taon ding nagsagawa ng peacekeeping mission sa Liberia ang mga Pinoy sa ilalim ng UN.
- Latest