MANILA, Philippines – Matapos umani ng papuri sa publiko, promotion at mas mataas na sahod naman ang iginawad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isang traffic enforcer na nagtitinda ng kakanin sa kalsada.
Ipinatawag ni MMDA chairman Francis Tolentino sa kanyang opisina si Traffic Enforcer 3 Fernando Gonzales matapos kumalat ang kanyang video at litrato na nagtitinda ng kakanin sa mga motorista.
Hindi inasahan ni Gonzales ang papuri mula sa pinuno ng MMDA kaya naman laking pasasalamat nito sa magandang balitang inihatid sa kanya.
Mula sa P15,000 na buwanang sahod ay magiging P20,580 na ang kanyang matatangap o P279 kada araw ang itinaas.
Ayon kay Gonzales ay tuwing day off niya sa trabaho siya nagtitinda ng kakanin upang matustusan ang pag-aaral ng kanyang anak na nasa high school at kolehiyo.
Marami ang natuwa sa kasipagan ni Gonzales kaya naman marami na rin ang nagpaabot ng tulong.