TACLOBAN CITY, Philippines – Dahil sa pakiramdam na pinabayaan ng gobyerno kaya hindi maiwasang ikumpara ng mga residente dito ang ginagawang pansamantalang tirahan ng gobyerno at ibang non-government organization (NGO).
Ayon sa mga taga Tacloban, ang ginagawang temporary house ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay umaabot lang sa 70,000 hanggang 80,00 samantalang sa Tzu Chi Foundation na ang mga miyembro ay pawang Filipino-Taiwanese at iba pang nasyonalidad ay umaabot sa mahigit sa 100,000 kada isang temporary house.
Ang ginagamit na materyales ng nasabing foundation ay plastic na galing pa sa Texas, USA na hindi nararamdaman ang init.
Base sa disenyo ng Tzu Chi, kapag lima pataas ang miyembro ng pamilya ay 36 square meters ang laki ng bahay kung saan mayroon din itong dibisyon, isang banyo, kusina, sala, tatlong kwarto, sliding ang mga pintuan at ang bintana ay may screen pa.
Kapag tatlong miyembro ng pamilya pababa naman ang titira ay mayroon itong 27 square meters ang laki ng bahay at may mga foldable bed base sa dami ng miyembro na nagkakahalaga ng P9,000.
Habang ang pinapagawa namang bunkhouse ng DSWD ay walang dibisyon sa loob ng bahay, yari lang sa plywood, iisa lamang ang banyo, isa rin ang kusina na para sa lahat na, hindi sementado ang sahig habang ang iba ay yari pa sa nipa hut.
Hinaing ng mga residente ng Tacloban, mas mabuti pa ang mga pribadong organization na malaki ang malasakit sa kanila at nabigyan sila ng maayos na tirahan samantalang ang gobyerno ay bunkhouses na nga lang ay hindi pa maayos ang pagkakagawa.