MANILA, Philippines - Ipinag-utos ni Ombudsman Conchita Carpio Morales na sampahan ng kasong malversation at graft ang dating judge at dating clerk of court ng Municipal Trial Court (MTC) ng Koronadal City.
Nakakita ng probable cause ang tanggapan ng Ombudsman para maidiin sa naturang mga kaso sina dating Presiding Judge Agustin Sardido at dating Clerk of Court Normandie Ines.
Sinasabing nag-ugat ang kaso ng mga nabanggit mula sa isang financial at judicial audit na ginawa sa records at books of account ng MTC at nadiskubre dito ang pagkawala ng Judiciary Development Fund, Clerk of Court General Fund at Fiduciary Fund na may kabuuang P1.07 milyon.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, inamin ni Sardido na siya ay humiram ng pera mula sa naturang pondo na may halagang P582,500.00 para bayaran ang gastos sa pag-aaral ng mga anak at pagbili ng isang second-hand na sasakyan.
Napatunayan na nagsabwatan sina Ines at Sardido sa pagkuha ng posted Cash Bonds bilang Fiduciary Fund mula September 21, 1993 hanggang September 30, 2001 na may kabuuang P955,026.00 na hindi naisyuhan ni Ines ng official receipts para sa posted Cash Bonds ng iba’t ibang mga kaso na may kabuuang halaga na P460,200.00 at inaprubahan naman ito ni Sardido kahit walang resibo.
Dahil din sa kasong ito, si Judge Sardido ay dinismis sa serbisyo ng Korte Suprema. (Angie dela Cruz)