MANILA, Philippines - Maaaring isang paglabag sa Anti-Cybercrime Law ang ginawang pagpapakalat ng impormasyon sa social media na nakapasok na sa bansa ang nakakamatay na Ebola virus.
Ayon kay acting Minority Leader Vicente “Tito” Sotto, tatawagan niya ang Anti-Cybercrime unit ng NBI para paimbestigahan ang insidenteng ito.
Iginiit ni Sotto na tiyak na nagdulot ng panic sa publiko ang pagkalat ng maling impormasyon tungkol nakamamatay na Ebola virus. Naniniwala si Sotto na dapat may masampolan sa mga lumalabag sa batas laban sa cybercrime.
Dapat anyang epektibong maipatupad ang anti-cybercrime law para maparusahan ang mga abusado at iresponsable sa paggamit ng social media.
Pabiro pang sinabi ni Sotto na wala pang Ebola sa Pilipinas pero ang mayroon ay Ebulsa.
Matatandaan na nauna ng ipinag-utos ng Malacañang ang mahigpit na pagbabantay sa mga dumarating sa bansa upang matiyak na hindi makakapasok ang Ebola virus.
Agad aniyang ia-isolate ang lahat ng makikitaan na may sintomas ng flu-like virus bilang bahagi ng pag-iingat.