MANILA, Philippines – Bago sumapit ang unang anibersaryo ng paghagupit ng bagyong Yolanda sa bansa ay natapos nang ayusin ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang mga paliparan at pantalang sinira ng kalamidad.
Sa pakikipagtulungan ng DOTC sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at ng Philippine Ports Authority (PPA)ay “fully repaired” na ang Kalibo International Airport, Roxas Airport at Busuanga Airport.
Samantala, patuloy pa rin ang paglalagay ng aspalto sa runway ng Tacloban Airport kaya naman tanging malilitt na eroplano pa lamang ang nakakagamit nito.
Umabot naman sa P41.2 milyon ang nagastos ng gobyerno sa pagpapagawa ng 14 na pantalan kabilang ang Port of Naval sa Biliran, Ports of Danao, San Carlos, at Pulupandan sa Negros Occidental, Ports of Coron, Culion, Cuyo, at El Nido sa Palawan, Port of Matnog sa Sorsogon, The Ports of Legazpi, Tabaco at Pasacao sa Albay, Port of Maasin sa Southern Leyte at Sta. Fe Port sa Bantayan, Cebu.
Dagdag ng ahensya na nagsagawa rin ng rehabilitasyon ang CAAP sa Ormoc at Guiuan Airports.