MANILA, Philippines - Umalma kahapon si Teresita Ang See, chairperson ng Movement for Restoration of Peace and Order sa hindi magandang biro na binitawan ni Sen. Alan Peter Cayetano sa isang negosyante hinggil sa isyu ng kidnapping.
Ayon kay See, maituturing na isang ‘racist joke’ ang sinabi ni Cayetano na kaya naman umanong magbayad ng ransom ng negosyanteng si Antonio Tiu sakaling makidnap ito.
“Isipin mo naman na pahalagahan ninyo yung problema natin sa kidnapping and don’t make it a butt of the joke. Its not a laughing matter e kaya nalilihis tuloy yung usapan na napunta pa doon na parang ang nangyari tuloy maraming nga nagtext sa akin na they take it as a racist joke,” ayon pa kay See.
Kasabay nito, nanawagan si See sa Senado na huwag maliitin ang isyu ng kidnapping sa bansa.
Ginawa ni See ang apela kasunod ng emosyonal na presscon ni Tiu kamakalawa kung saan isinalaysay nito ang hindi magandang biro ni Cayetano na makakaya nitong magbayad ng ransom dahil super yaman ito.
Sinabi ni See na sa halip na magbitiw ng ‘racist joke’ si Cayetano ay dapat tumulong na lang ito kung paano mapagbubuti ang anti-criminality campaign sa pamamagitan ng pagpapasa ng mga panukalang batas.
Nabatid pa na inilipat na ni Tiu ang kaniyang pamilya sa ibang bansa para sa kaligtasan ng mga ito.
Umapela rin si See sa media na kung maari ay huwag maglabas ng net worth ng sinumang indibidwal dahil baka mapuntirya ang mga ito ng masasamang elemento.