MANILA, Philippines - Lalagyan ng internet, cable at iba pang mapaglilibangan ang ‘paradise island’ na pansamantalang tutuluyan ng uuwing 112 Pinoy peacekeepers mula Libya para hindi mainip ang mga sundalo.
Ang Liberia ay kabilang sa mga bansa sa West Africa na apektado ng nakamamatay at nakahahawang sakit na Ebola virus kung saan mahigit sa 4,000 katao na ang nasawi.
Ayon kay AFP spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc, mga bayani ang uuwing peacekeepers kaya marapat lamang na bigyan ang mga ito ng mapaglilibangan para magmistulang bakasyon lamang ang pagsasalang sa mga ito sa 21 araw na quarantine.
Pansamantala namang ipagpapaliban ang ‘hero’s welcome’ sa mga peacekeepers.
Nilinaw naman ni Cabunoc na habang isinasalang sa quarantine ay bawal ang mga itong dalawin ng kanilang mga pamilya at malalapit na kaibigan.
Nanawagan din ang opisyal sa mamamayan na huwag ikabahala ang pagdating ng mga sundalo sa bansa dahil hindi naman ‘airborne disease’ ang Ebola na nakakahawa lamang sa direktang kontak sa ‘body fluids’.