MANILA, Philippines – Nagsimula na ang Senate Blue Ribbon Committee na tipunin ang mga dokumento sa sinasabing overpriced na Iloilo Convention Center (ICC) kung saan nakakaladkad ang pangalan ni Senate President Franklin Drilon.
Balak ni Blue Ribbon Chairman TG Guingona na simulan ang imbestigasyon sa susunod na linggo pagkatapos masuri ang mga dokumento na may kinalaman sa pagpapatayo ng ICC na umano’y overpriced ng P531 milyon.
Isa umanong proyekto ni Drilon ang ICC na ang ibang pondo ay nagmula sa kanyang alokasyon mula sa Priority Development Assistance Fund at Disbursement Allocation Program noong 2012 at 2013.
Sinulatan kahapon ni Guingona sina DPWH Secretary Rogelio Singson, Tourism Secretary Ramon Jimenez at dating Iloilo Provincial Administrator Manuel Mejorada, na isumite sa kanila ang mga dokumento bago matapos ang linggong ito.
“Among the allegations in the said resolution is that the construction of the Iloilo Convention Center (ICC) is overpriced by P531 million. In relation thereto, may we be furnished documents relevant to this allegation,” ani Guingona.
Ang imbestigasyon ay isinulong ni Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Samantala, binatikos ni United Nationalist Alliance (UNA) interim president Toby Tiangco ang pag-uurong-sulong ng Blue Ribbon committee sa pagsasagawa ng imbestigasyon sa ICC.
“Mukha pong dilly-dallying lang ang ginagawa ng Blue Ribbon Committee tungkol sa Iloilo Convention Center,” puna ni Tiangco. “Sinasabi nilang gusto nilang patibayin pa ang ating procurement laws, eto na ang kaparehas na kaso, kaya dapat mas makakatulong ito pero bakit ayaw galawin kapag kaalyado ang kasangkot sa anomalya?”
Ayon kay Tiangco, ang Blue Ribbon lang ang tanging komite sa Senado na maaaring magsagawa ng mga pagdinig nang walang naisasampang resolusyon.
“Bakit dito sa ICC kakaiba ang rules ng Blue Ribbon, samantalang sa Makati Building-2 wala pang dokumentong ipinapakita ang mga sinasabing witness, agad-agad ang hearing at imbestigasyon?” tanong ni Tiangco. “Pero kung titingnan ninyo ang imbestigasyon ng Makati City Hall building II, August 11 nag-file ng resolution, na-refer sa committee nang araw na iyon, at nagkaroon ng unang pagdinig pagkaraan ng isang linggo o noong Agosto 18.”
Naisampa na anya ang resolusyong humihingi ng imbestigasyon sa ICC pero naisantabi pa ito.
“Matagal nang may resolusyong nakahain, pero inupuan lang ito, tulad noong sa bilyong-pisong Malampaya scam, may date nang na-set pero hanggang ngayon walang aksyon ang Blue Ribbon Committee,” dagdag niya.