Maton, nilikida

MANILA, Philippines - Utas ang sinasabing isang maton sa kanilang lugar makaraang pagbabarilin ng dalawang lalaking lulan ng isang motorsiklo, kamakalawa ng umaga sa Valenzuela City. 

Isinugod pa sa Valenzuela City Medical Center ngunit hindi na umabot ng buhay dahil sa mga tama ng bala ng kalibre .45 ang biktimang si Ramil Santiago, 39, obrero, ng M. Delos Reyes St., Brgy. Gen. T. De Leon, ng naturang lungsod.

Agad na nakatakas ang dalawang suspek lulan ng hindi naplakahan na motorsiklo. 

Sa ulat ng Valenzuela City Police, nakatambay sa kanto ng M. Delos Reyes at Marcelo Sts. ang biktima na tila may hinihintay dakong alas - 7:45 ng umaga nang biglang sumulpot ang mga salarin at walang sabi-sabing pinaputukan ito.

Lumalabas naman sa imbestigasyon na siga-siga sa lugar ang biktima at marami umanong kagalit.  Hindi rin isinasaisantabi ang anggulong sigalot sa iligal na droga na talamak umano sa naturang lugar. 

Blangko naman ang pulisya sa pagkakakilanlan sa mga salarin dahil sa walang testigo na nais lumantad dahil sa takot na sila naman ang mapag-initan.

Show comments