MANILA, Philippines - Kung hindi maibabalik sa tamang kahulugan ang ‘Savings’ at ang gamit nito na aayon sa desisyon ng Korte Suprema sa isyu ng DAP at PDAF ay kukuwestiyunin ni ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz sa Korte Suprema ang humigit-kumulang sa P400 bilyong nilalaman ng 2015 national budget na walang malinaw na pagkakagastusan o makatwirang paglalaanan na mga proyekto.
Binigyang-diin ni Dela Cruz na kabilang sa mga kwestiyonableng pondo ay P200 bilyon para sa wala pang programang pagkakagastusan. kasama dito ang planong P54.3 billion na ‘equity value buy out’(EVBO) ng MRT3, P2 bilyon para sa mga ‘IT tablets’ para daw sa Departments of Education, Health, Social Welfare and Development, Agriculture, Labor, Transportation and Communications at Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) P1 bilyon na taunang inilalaan din sa iba’t ibang mga ahensya para sa modernisasyon ng ‘IT; systems’.
“Ang problema walang anumang listahan kung sinu-sino ang makakatanggap ng mga ‘tablets’ at para saan gagamitin ang mga ito. Wala ring nakalagay na kuwenta kung paano umabot sa kabuuang P3 bilyon ang kailangan.
Isa pang kwestiyonableng pondo sa national budget, ayon sa kongresista ng ABAKADA, ay ang walang detalyeng P3.281 bilyon para sa mga pagpupulong ng Asia Pacific Economic Cooperation sa isang taon.
“Ang pagkakaalam ko, ang mga gastusing ito ay nakasaad na sa mga budget ng iba’t ibang ahensiya at nakapaloob na sa kanilang 2015 budget. Bale doble pasada itong P3.281 bilyon na ito,” dagdag pa nito.
“At bakit naglaan ng P1 bilyon para sa mga bagong posisyon na lilikhain sa malalaking ahensiya ng gobyerno kagaya ng DepEd, DSWD, DILG, DND, DENR at DOTC, pero ayaw namang magbigay ang Department of Budget and Management (DBM) ng listahan ng mga posisyon,” wika pa ni Dela Cruz.