SK reform panukala ni Bongbong
MANILA, Philippines – Isinulong ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang reporma sa Sangguniang Kabataan nang magbigay siya ng sponsorship speech para sa SK Reform Bill o SB 2401 under Committee Report No. 75.
Ipinaliwanag ni Marcos na itinatadhana ng Konstitusyon na dapat kilalanin ng pamahalaan ang mahalagang papel ng mga kabataan sa pagbubuo ng bansa at itaguyod at pangalagaan ang kanilang kapakanan.
Obligado rin anya ang pamahalaan sa ilalim ng Konstitusyon na itimo sa kabataan ang pagiging makabayan at hikayatin silang lumahok sa mga public at civil affair.
Sa kabila ng mga agam-agam kung epektibo ba ang SK at sa karaniwang paniniwala na ginagamit lang sila ng mga pulitiko para sa sariling adyenda nito, sinasabi pa rin ni Marcos na lubha pa rin niyang itinuturing ang mga kabataan bilang mahalagang bahagi ng pagpapaunlad ng bansa.
Ilan sa mga amyenda sa kanyang panukala ang pagtataas ng age ceiling para sa Katipunan ng mga Kabataan (kapalit ng Sangguniang Kabataan) sa edad na 15 hanggang 30 anyos mula sa kasalukuyang 15-to-17 taong gulang. Umaangkoop anya ito sa pakahulugan sa kabataan sa ilalim ng Republic Act 8044 na siyang batas na lumikha sa National Youth Commission.
Sinabi pa ng senador na sa pagtataas sa age ceiling ay maaari nang pumirma ang kabataan sa mga kontrata at magkaroon ng mga obligasyon.
Ipinahiwatig pa ni Marcos na, dahil sa limitasyon ng batas sa edad, napepresyur ang mga kabataan at napapakialaman sila ng ilang tiwaling barangay official sa pagpapatupad ng kanilang mga programa at proyekto. “Kung nasa tamang edad sila, handa na sila sa ganap na pananagutan,” diin pa niya.
Nanawagan din siya sa isang mandatory training program para sa mga lider-kabataan bago sila manungkulan sa puwesto. Magkakaroon para rito ng P50 milyong training fund na pangangasiwaan ng National Youth Commission at ng Department of Interior and Local Government.
- Latest