MANILA, Philippines - Patuloy na nagbabanta ang bagyong Paeng sa Bicol region matapos pumasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kahapon.
Alas-11 kahapon ng umaga, si Paeng ay namataan ng Pagasa sa layong 1,100 kilometro silangan ng Legazpi City taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 95 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugso ng hangin na umaabot sa 120 kilometro bawat oras.
Bagamat si Paeng ay hindi gaanong makakaapekto sa bansa ay palalakasin naman nito ang hanging amihan na magdudulot ng malalaking alon sa karagatan ng Central at Southern Luzon kaya pinapayuhan ang mga mangingisda na gamit ay bangka na iwasan munang pumalaot dahil sa banta ng malalaking alon sa karagatan doon.
Maaliwalas naman ang panahon sa Metro Manila at karatig lalawigan. (Angie dela Cruz)