MANILA, Philippines - Walang anak si Senador Alan Peter Cayetano kaya hindi umano niya mauunawaan ang nararamdaman ng isang magulang kapag may nangyayaring masama sa anak nito.
Ito ang reaksyon ni Buhay Partylist Rep. Lito Atienza sa pagkakadawit ng bunsong anak ni Vice President Jejomar Binay sa imbestigasyon ng Senate subcommittee sa mga ari-arian ng pamilya nito.
Sinabi ni Atienza na idinadalangin niya na maging magulang na rin si Cayetano para maunawaan niya ang sakit na nararamdaman ng isang magulang kapag nasasaktan ang anak nito.
“Tagapagtaguyod si Senador Cayetano ng kakaibang teoryang ligal na, kapag naghukay ka nang naghukay ng marami pang hilaw at circumstantial na ebidensiya, milagrong nagiging matibay na katibayan ang mga ito. Hindi nakakapagbigay ng dignidad ang ganitong pangangatwiran sa pagdinig ng Senado kundi man sa korte,” sabi pa ng kongresista.
“Wala kasi siyang karanasan bilang magulang kaya ganoon na lang ang pagkaladkad niya sa bunsong anak ng Bise Presidente sa usaping ito ,” sabi pa niya. (Butch Quejada)