MANILA, Philippines - Hinimok ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang publiko na huwag magkalat at magtapon ng basura sa mga sementeryo ngayong Undas kung ayaw maparusahan ng batas.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, ang sinumang mahuhuli ay pagmumultahin ng mula P300.00 hanggang P1,000 at community service.
Ayon kay DENR Sec. Ramon Paje, ang hindi pagtatapon ng basura sa mga sementeryo ay bahagi ng pagrespeto sa mga yumao.
Pinayuhan din nito ang mga mag-aalay ng bulaklak sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay na tiyaking walang balot ng plastic at magdala ng maliit na paglalagyan ng kanilang mga basura upang hindi magkalat at magmistulang basurahan ang mga sementeryo pagkatapos ng pagdiriwang sa Undas.
Noong nakaraang taon, daan-daang truck ng basura ang nahakot ng MMDA mula sa mga sementeryo sa Metro Manila matapos ang Undas.