Hirit ni Jinggoy sa Undas ibinasura

MANILA, Philippines - Hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan ang hirit ni Senador Jinggoy Estrada na pansamantalang makalabas ng kulungan para makadalaw sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay ngayong Undas.

Sa dalawang pahinang resolusyon ng Fifth Division, iginiit nitong gaya ng ibang bilanggo ay may mga karapatan si Estrada na itinatadhana ng Saligang Batas subalit hindi maaaring magamit lahat.

“The accused movant’s motion to be allowed a pass of five hours on Nov. 1 is denied for lack of merit,”nakasaad sa resolusyon ng graft court.

Kung papayagan anila nila si Estrada, magbibigay ito ng maling halimbawa at gagawing katatawanan ang justice system ng bansa.

Ikinatwiran din ng anti-graft court na dagdag-gastos lang sa gobyerno ang hirit ni Estrada dahil bibigyan ito ng seguridad.

Una nang hiniling ng akusado sa multi-bilyong pork barrel scam na limang oras na makalabas sa Nobyembre 1 para mabisita ang puntod ng mga mahal sa buhay sa San Juan Cemetery pati ang libingan ng matalik na kaibigan at aktor na si Rudy Fernandez sa Heritage Park sa Fort Bonifacio.

 

Show comments