MANILA, Philippines - Makaalis na si Marc Suselbeck pero hindi na ito maaaring bumalik sa Pilipinas. ?Ito’y matapos magpalabas ng deportation order ang Bureau of Immigration (BI) laban sa German, matapos ireklamo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil sa insidente sa Camp Aguinaldo noong Oktubre 22.
Matatandaang sumampa noon sa bakod ng kampo sina Marilou Laude, kapatid ng pinaslang na transgender na si Jeffrey Laude alyas Jennifer at Suselbeck, fiance ng biktima sa pagtatangkang makita ang nakakulong doong si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton na suspek sa krimen.
Inisyu ang deportation order kasunod ng paghahain ng motion for voluntary deportation ni Suselbeck nitong Martes.
Ayon sa BI, nangangahulugan ang mosyon ng pag-amin ng dayuhan sa pagkakamali nito at pagsunod sa proseso ng deportasyon. Isinama na rin ang pangalan niya sa black list.