Smart, may dagdag proteksyon laban sa scams para sa mga subscribers

MANILA, Philippines - Bilang paghahanda sa inaasang pagdami ng mga scams sa dara­ting na Kapaskuhan, lalo pang pinagtibay ng Smart Communications, Inc. ang kampanya nito upang protektahan ang mga subscribers, sa pamamagitan ng customer education at pagdagdag ng security features sa kanilang mobile load services.

Nitong taon ay inilunsad ng Smart, na hawak din ang Talk ‘N Text (TNT) brand, ang isang education campaign upang magbigay impormasyon tungkol sa iba’t ibang modus operandi ng mga scammers. Ang mga subscribers ay maa­ring pumunta sa www.smart.com.ph/smart2know para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga scams at kung papaano mag-report ng insidente ng scam.

Madalas na ireklamo ay ang scams na ginagamit ang Pasaload service.

Tine-text ng scammers ang mga subscribers na nanalo sila diumano ng premyo, refunds, discounts, o libreng prepaid load, at sinasabing maaari nilang makuha ang mga ito kapag sila ay nag-text ng code sa 808 – ang Pasaload number ng Smart at TNT. Lingid sa kaalaman ng subscribers ay nakapag pasaload na sila sa ibang cell phone.  Kapag nakuha na ng scammers ang load ng kanilang biktima, ito ay ibinebenta nila upang kumita.

“Ito ang dahilan kung kaya’t minabuti namin sa Smart na dagdagan ang security measures ng a­ming Pasaload service,” sabi ni Smart public affairs head Ramon Isberto.

Sa bagong sistema, kinakailangan na mag-confirm ang subscribers bago tuluyang maipasa ang load.  Kapag ang isang subscriber ay magpadala ng SMS sa 808, makatatanggap siya ng text information na siya ay magpa-Pasaload. Matutuloy lamang ang transaksyon kapag mag-text ng “YES” ang subscriber sa 808 sa loob ng 15 minuto.

Ang security feature na ito ay gamit na rin sa Sun Cellular Give-A-Load transaction. Kapag ang Sun subscriber ay hindi nag confirm ng kaniyang Give-A-Load request sa loob ng 15 minuto, mage-expire ang transaction request.

Hinihikayat ang mga Smart at TNT subscribers na mag-ulat ng scam attempts at scam incidents sa Smart hotline *888 gamit ang kanilang mobile phone, o magpadala ng mensahe sa @smartcares Twitter account.  Maari rin i-report ang scammers sa NTC One Stop Public Assistance Center sa 9213521 at  9267722, o sa pamama­gitan ng email sa ospac@ntc.gov.ph

Show comments