MANILA, Philippines - Sinampahan ng patung-patong na kaso sa Ombudsman si Senate President Franklin Drilon dahil sa umano’y maanomalyang pagpapatayo sa Iloilo Convention Center.
Sa reklamo ni Manuel Mejorada, dating provincial administrator ng Iloilo, si Drilon umano ang nasa likod ng overpriced convention center.
Ayon kay Mejorada, sobra ng P488 milyon ang ginastos sa convention center na dapat ay P192 milyon lamang. Kumpleto anya siya ng mga ebidensyang magpapatunay dito.
Ang Hilmarc’s Construction Corp., ang contractor ng Makati parking building, ang siya ring gumawa ng Iloilo Convention.
Kasama ring kinasuhan sina Tourism Secretary Ramon Jimenez, Public Works Secretary Rogelio Singson, regional director ng DPWH Iloilo at ang chairman ng bids and awards committee.
Bukod sa graft at plunder, kinasuhan din ang mga nabanggit ng malversation of public funds, paglabag sa procurement law, dishonesty at grave misconduct.
Naniniwala rin ang complainant na galing sa sariling bersyon ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) ni Drilon ang pondo.
Nabatid na sinimulan ang konstruksyon ng convention center noong Disyembre 2013 at nakatakdang matapos sa Marso 2015.