'Binay dummy' handang makulong

MANILA, Philippines – Oras na mapatunayan na pinagtatakpan lamang niya si Bise-Presidente Jejomar Binay ay handang magpakulong ang negosyanteng si Antonio Tiu kaugnay ng pagmamay-ari sa “Hacienda Binay” sa Batangas.

Iginiit ni Tiu sa kanyang panayam sa ABS-CBN news kagabi na siya ang tunay na may-ari ng 350-hektaryang hacienda sa Rosario, Batangas at hindi niya pinagtatakpan ang tagong yaman ni Binay.

"May batas naman po ang Pilipinas kung ako po ay napatunyan na nagkasala e dapat kong harapin ang kaparusahan," ani ng negosyante.

Kaugnay na balita: Trillanes may pasabog kay Binay sa Huwebes

Sinabi pa ni Tiu na ipapakita niya sa Senado bukas ang memorandum of agreement upang mapatunayang siya ang may karapatan sa kontrobersyal na hacienda.

Pinabulaanan din niya na kaibigan niya si Binay at sinabing tatlong beses pa lamang silang nagkikita.

"Ang importante naman dito sa case na 'to, kailangan lang naman nating patunayan is kung sino ba talaga ang may-ari. E kung ako ang may-ari, e di wala ng isyu.”

Humarap sa Senate Blue Ribbon-Sub committee si Tiu nitong nakaraang linggo ngunit bigong mapaniwala ang mga senador na siya ang nagmamay-ari ng hacienda.

Sinabi ni Senate Majority Leader Alan Cayetano na maaaring maharap sa kasong perjury, obstruction of justice at tax violations kung mapatunayang nagsisinungaling siya.

Show comments