MANILA, Philippines - Naghain na kahapon ng motion for voluntary deportation sa Bureau of Immigration (BI) si Marc Suselbeck, ang German fiance ng pinaslang na Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Ito ang kinumpirma ni Atty. Harry Roque, abugado ng pamilya Laude.
Nais aniya ni Sueselbeck na payagan na siya ng BI na makaalis sa Nobyembre 1, 2014 sa pamamagitan ng boluntaryong deportasyon pabalik sa Germany dahil ito ang mabilis na proseso ng deportation, kumpara sa deportation proceedings na aabot pa ng isang buwan.
Kasabay nito, nilinaw ni Atty. Roque na ang paghahain ng mosyon ay hindi naman nangangahulugan ng pag-amin ni Suselbeck sa reklamong gross arrogance at disrespect acts.
Dahilan ni Suselbeck sa mosyon ang natanggap niyang impormasyon mula sa kanyang employer sa Germany na nag-oobliga sa kanya na pumasok na sa trabaho sa Nob. 3, 2014 at kung siya ay mabibigong gampanan ay masisibak siya sa trabaho, alinsunod aniya, sa sinasaad ng kaniyang employment contract.
Una nang sinabi ni Justice Sec. Leila de Lima na para mapadali ang deportation ni Suselbeck ay maari itong maghain ng voluntary deportation.
Sa summary deportation, kung madedetermina na guilty si Suselbeck bilang undesirable alien, maisasama ang kaniyang pangalan sa BI blacklist at hindi na maari pang makatapak muli ng bansa.
Ito’y kasunod ng pagharang sa Aleman na makaalis ng bansa noong Linggo dahil sa kinakaharap na reklamong ‘undesirable alien’ kaugnay sa insidente ng pag-akyat sa gate ng walang permiso at panunulak sa sundalo sa Camp Aguinaldo upang makita ang suspek sa pagpatay sa kaniyang fiancée (Jennifer) na si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton.