Smartmatic i-blacklist!

MANILA, Philippines - Hinamon ng mga clean election advocate ang Commission on Elections (Comelec) na pagbawalan ang kontrobersiyal na kumpanyang Smartmatic sa pagsali sa bidding para sa mga karagdagang teknolohiya, suplay at serbisyo na gagamitin sa halalan sa 2016.

Sa isang forum na inor­ganisa ng Kaakbay Citizens Development Initiatives (KCDI) sa University of the Philippines campus, mariing tinuligsa ni IT expert Jun Estrella ang Comelec dahil sa pagkabigo nitong i-blacklist ang Smartmatic gayung marami itong ginawang mga paglabag.

Ginawa ni Estrella ang panawagan bilang reaksyon sa isang pahayag ni Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na malaya ang Smartmatic na makilahok sa public bidding para sa pagbili ng dagdag na 40,000 Automated Election System (AES) machines para sa halalan sa 2016 bilang suporta sa 82,000 second-hand PCOS unit na binili ng komisyon sa naturang kumpanya.

Pero sinabi ni Estrella na may sapat na basihan para idiskuwalipika ang Smartmatic sa mga bidding. Ipinaliwanag niya na ang kumpanya ay hindi ISO 9001 certified na mahigpit na hinihiling ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) at RA 9184 o ng Government Procurement Reform Act.

Nalaman ng SBAC na ang ISO certification na isinumite ng Smartmatic sa bidding para sa 2010 AES project ay pag-aari ng Taiwan-based firm, Jarltech International, ani Estrella.

Sinabi ni Estrella na nabigo rin ang Smartmatic na sumunod sa “subcontracting” rules ayon sa SBAC base sa rules of the General Procurement and Policy Board (GPPB).

Nilabag anya ng Smartmatic ang natu­rang patakaran nang hindi nito ipinagbigay-alam sa Comelec na ang PCOS software at source code ay hindi nito kontrolado dahil pag-aari pala ang mga ito ng ibang kumpan­ya na  Dominion Voting Systems.

Gamit ang alaala ng 2010 elections, sinabi ni Estrella na sino ang maniniwala na ang sikat na si FPJ ay nagtala ng zero votes sa ilang bahagi ng Mindanao gamit ang Smartmatic-sourced PCOS machines.

Sinabi naman ni Dave Diwa ng National Labor Union na dapat pag-isipang muli ng Comelec ang posisyon nito sa pag­lahok ng Smartmatic.

Tinutukoy ni Diwa ang pagpapaubaya ng Co­melec sa Smartmatic ng halalan kahit pa ang huli ay isang banyagang kumpanya na may dungis ang record.

Show comments