Ina ni Laude kay PNoy: Kung sa'yo mangyari 'yon?

MANILA, Philippines – Sa unang pagkakataon ngayong Martes ay nakita ng ina ng pinaslang na Filipino transgender ang larawan ng biktima nang matagpuang patay sa loob ng isang paupahang kuwarto sa Olongapo City.

Umiiyak na nagbigay ng mensahe si Julita Laude, kung saan pinaalala niya kay Pangulong Benigno Aquino III ang pahayag niyang ang mga Pilipino ang kanyang “boss” at hindi ang mga Amerikano.

"Hindi ba tumagos sa puso mo 'yan noong nakita mo? Pilipino ka rin!" pahayag ng ina ng biktimang si Jeffrey “Jennifer” Laude nang ipinakita sa publiko ang malunus-lunos na itsura ng transgender.

"Noong tumakbo ka, ako pa ang lumilider sa Visayas para sa'yo kasi sabi ko susubukan ko kung ano'ng klase ka, wala ka palang kwenta!"

Patuloy ang apela ng pamilya Laude para sa pagbasura ng Visiting Forces Agreement kung saan pinoprotektahan umano nito ang mga sundalong Amerikano sa bansa.

"Nakita mo yung picture ng anak ko? Kung sa'yo kaya mangyari yun! And anak ko, walang kalaban-laban, naghahanap-buhay nang maayos, hindi nakaka-perwisyo nung tao.”

Samantala, para sa abogado ng pamilya Laude na si harry Roque ay hindi lamang sila namatayan, ngunit napahiya rin ng kanilang sariling gobyerno.

"The Armed Forces have spent more time lambasting [the victim's] family than helping them," pahayag ni Roque.

Ayon sa Armed Forces of the Philippines ay nasa Camp Caringal ang suspek na si United States Marines Private First Class Joseph Scott Pemberton, ngunit diskumpyado ang pamilya Laude kung totoo ito.

Hindi rin dumalo si Pemberton sa pangalawang preliminary investigation sa Olongapo City Prosecutor’s Office kahapon.

Show comments