UP Diliman binulabog ng ‘bomba’
MANILA, Philippines – Binulabog din ng bomb threat ang UP Diliman kahapon ng umaga.
Ayon kay Senior Insp. Maricar Taqueban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District, ang bantang pagpapasabog ay nangyari sa nabanggit na unibersidad partikular sa Cesar E.A. Virata School of Business (VSB), ang dating College of Business Administration (CBA).
Dahil dito, pansamantalang pinalabas ng naturang gusali ang mga estudyante, guro at staff.
Ayon sa impormasyon, ang bomb threat ay ipinadala sa pamamagitan ng text messages na may cell number na #09067677958 na ipinadala sa isang Jett Padernal,chairman ng student council ng UP Diliman, ganap na alas -7:50 ng umaga.
Nakasaad ang mensaheng “Mag-ingat sa Bomba sa gusaling Virata”. Oras na lang ang binibilang Walang Ligtas estudyante man o guro.”
Agad namang rumesponde ang EOD team sa pamumuno ni Police Insp. Noel Sublay sa lugar at nagsagawa ng panelling at pagsusuri sa buong gusali ng kolehiyo. Subalit makalipas ang halos isang oras, ganap na alas- 8:55 ng umaga ay napatunayang negatibo ito sa bomba.
Kamakailan, dalawang beses na nakatanggap ng bantang pagpapasabog ang Miriam College sa Katipunan Avenue, kasunod ang World City College sa Anonas St., at Aurora Blvd., sa lungsod.
- Latest