MANILA, Philippines – Ipapatupad na ang suspensyon ni Sen. Ramon Revilla Jr. sa Nov. 3, ayon kay Senate President Franklin Drilon.
Ayon kay Drilon, noong Biyernes nila natanggap ang kautusan ng Sandiganbayan na nag-uutos na suspendihin si Revilla.
Ang preventive suspension na magsisimula sa Nobyembre 3, 2014 ay tatagal hanggang sa Enero 31, 2015.
Ipinaliwanag pa ni Drilon na bagaman una ng ipinalabas ang order noong Hulyo 31, naghain naman ng motion for reconsideration ang kampo ni Revilla sa Sandiganbayan kaya hindi kaagad naipatupad ang suspensiyon.
“While the order was issued on July 31, there was a motion of reconsideration that was filed and we are not provided a copy of the resolution until Friday. So we were not able to implement the suspension,” wika pa ni Drilon.
Ipinaliwanag pa ni Drilon na bukod sa hindi makakatanggap ng suweldo si Revilla sa loob ng 90 araw dahil sa preventive suspension, masususpendi rin ang pondo para sa kanyang tanggapan bagaman at ibibigay naman ang sahod ng kanyang mga staff.
Bukod kay Revilla, nauna ng isinailalim sa preventive suspension sina Senators Juan Ponce Enrile at Jose “Jinggoy” Estrada.