MANILA, Philippines – Nilinaw kahapon ng Malacañang na maging ang mga No Permanent Address (NPA) na informal settlers na nasa mga sementeryo sa Metro Manila ay kasama sa Expanded Conditional Cash Transfer (CCT) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda.
Sinabi ni Sec. Lacierda sa media briefing kahapon, ang pilot ng Expanded CCT program noong Agosto 2012 ay isinama na ang 900 homeless street families kasama na ang mga nakatira sa ibat ibang sementeryo sa Metro Manila.
“Also piloted then was a program for families in need of special protection, to cover 20,000 families. Then in 2013, these 2 were merged and became modified CCT under the Pantawid Pamilyang Pilipino Program,” wika pa ni Lacierda.
Aniya, sinisimulan na ng DSWD na alisin sila mula sa mga sementeryo upang maisama na din sila sa mga bibigyan ng pabahay ng gobyerno dahil itinuturing na danger zone din ang pagtira sa mga sementeryo.
“Pero doon sa UDHA Law kasama doon sa definition ng danger zones ang mga taong nakatira sa parks. Ang definition ng parks kasama roon ang sementeryo. Pero may priorities tayo ngayon right now dahil mas peligrosong lugar ang mga informal settlers na nakatira sa mga waterways—‘yon ang inuuna natin. Ang sabi sa akin ni General Manager Chito Cruz, pinag-aaralan nila ‘yung possibility rin nitong mga taong nakatira sa sementeryo,” wika pa ni Lacierda.
Samantala, lumitaw din na hindi prayoridad ng gobyerno ang pagkakaloob ng pabahay sa tinaguriang ‘NPAs’ o homeless dahil ang mas inuna ay ang mga nakatira sa estero at ilog.
Ayon sa DSWD, kuwalipikado sa MCCT Program ang homeless family na may tatlong anak na may edad na mula sanggol hanggang 14-anyos at makatatanggap ng mga benepisyo gaya sa Pantawid Pamilya beneficiaries, gaya ng cash.
Ngunit kailangang tumalima ang pamilya sa mga kondisyon tulad ng weekly attendace sa Family Development Sessions (FDS) sa loob ng unang dalawang buwan at isang beses kada buwan na pagdalo rito sa mga susunod pang buwan.
Dapat din ay pumapasok sa paaralan ang mga bata, nagpapakonsulta sa health centers at kailangang tumira na sa permanenteng bahay ang pamilya makaraan ang anim na buwan na pagiging benepisyaryo ng MCCT Program.