Trillanes may pasabog kay Binay sa Huwebes

MANILA, Philippines – Mas matibay na ebidensya ang ihahain ni Senator Antonio Trillanes IV sa Huwebes upang patunayan na pagmamay-ari ni Bise-Presidente Jejomar Binay ang hacienda sa Batangas.

Sinabi ni Trillanes ngayong Lunes na may mga papeles na makapagdidiin kay Binay na siya ang may-ari ng 350-hektaryang “Hacienda Binay” sa Rosario, Batangas.

"We will present something really, very clear to everyone," wika ni Trillanes sa isang panayam sa telebisyon. "It will corroborate earlier testimonies."

Dagdag ng senador na mas maraming testigo at ebidensya ang kanilang ihaharap sa susunod na pagdinig ng Senate Blue Ribbon sub-committee.

Samantala, muling bibigyan ng pagkakataon ang umano'y tunay na may-ari ng hacienda na si Antonio Tiu na makapagpaliwanag.

Humarap si Tiu nitong nakaraang linggo sa Senado ngunit bigong makumbinsi ang mga senador na siya ang tunay na nagmamay-ari ng hacienda.

Matapos ang pagharap sa senado ay binuksan ni Tiu kay Trillanes at sa media ang kontrobersyal na hacienda.

Inalala ni Trillanes na mismong mga residente ng bayan ng Rosario ang nagsasabing si Binay ang nagmamay-ari ng hacienda.

"Is the Vice President saying that the people of Rosario, Batangas are liars? That's his implications," sabi ng senador.

Nag-ugat ang imbestigasyon kay Binay sa umano'y overpriced na Makati City Hall II parking building, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito natatapos.

Show comments