MANILA, Philippines - Humirit ang grupong EcoWaste Coalition sa Food and Drug Administration (FDA) na magpalabas na ng “ban” laban sa pagbebenta sa bansa ng mga kandilang nakakalason o iyong nagtataglay ng “lead wicks”.
Nanawagan din ang grupo sa publiko na huwag bumili ng mga kandilang umano’y nakakalason partikular na ang mga imported sa China. Pinaka dapat iwasang bilhin at gamitin ay ang mga kandilang may “metal wicks” dahil nagtataglay ito ng nakakalasong kemikal na “lead”. Ito ang mga kandila na inilalagay sa lalagyanang salamin at may patigas na bakal sa gitna.
Sa kabila ng kaalamang ito, patuloy na naibebenta ang naturang mga kandila sa Binondo area sa Maynila.
Sa pagsusuri ng EcoWaste, 20 binili nilang kandila sa Binondo ay may taglay na 207,350 parts per million (ppm) lead sa kanilang “composite wicks”. Ang lead ay kemikal na iniuugnay sa unti-unting pagkalason ng utak kapag nalalanghap lalo na sa mga bata.
Nabatid na iligal na ang paggamit ng “metal wicks” sa kandila sa maraming bansa kabilang sa Australia, Finland, Denmark at Amerika.
Sa halip na imported na kandila ay pinayuhan ang publiko na magkasya na lamang sa mga lokal na kandila na gumagamit ng “cotton wicks” upang mas maging ligtas ang paggunita sa Undas.