Sundalong Pinoy na itinulak ng fiance ni Laude pararangalan

MANILA, Philippines - Pararangalan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang sundalong Pinoy na itinulak ng German fiance ng napaslang na transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.

Ayon kay AFP spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc, si Army Technical Sergeant Mariano Pamittan, 44, ay tatanggap ng plaque of recognition sa gaganaping parangal sa Lunes (Oktubre 27) sa flag raising ceremony sa AFP.

Si Pamittan ang nakatalagang security personnel sa Mutual Defense Board-Security Engagement Board (MDB-SEB) kung saan nakadetine si US Marine Pfc. Joseph Scott Pemberton nang sumugod dito ang German bf ni Laude na si Marc Suselbeck at kapatid na si Marilou Laude.

Sina Suselbeck at Marilou ay umakyat sa perimeter fence kung saan ipinagtulakan pa ng una si Pamittan at pinagsisigawan pero sa kabila nito ay napanatili ng sundalo ang pagiging mahinahon.

Ayon naman kay Pamittan, nakikisimpatiya siya sa pamilya Laude sa sinapit ng isa sa mga mahal ng mga ito sa buhay pero bilang security detail sa MDB-SEB ay may tungkulin rin siyang dapat gampanan.

 “I understand that they have valid concerns. I also sympathize to the family because they lost a loved one. I also want them to have justice and closure for their loss. However, I have a duty I must fulfill, which is to secure Pemberton who also has his own rights. That is why despite their misbehavior, I exerted tolerance,” pahayag ni Pamittan.

Sinabi nito na sinunod niya ang tagubilin ng kanilang Camp Commander na si Brig. Gen. Arthur Ang na pairalin ang maximum tolerance sa pakikiharap sa mga nagsisipagprotesta sa detention ni Pemberton sa Camp Aguinaldo.

Ayon pa rito, ipinaliwanag niya kay Suselbeck na ‘off limits’ at ‘restricted pro­perty’ ang kanilang pinapasok at ang mga dayuhang tulad nito ay kailangang humingi muna ng ‘clea­rance’ bago makapasok sa military base.

Si Pamittan ay mula sa angkan ng mga sundalo kung saan 20 sa kanilang magkakamag-anak ay pa­wang nagsisipagserbisyo sa AFP.

Nagsilbi rin itong 90 RRgunner noong kasagsagan ng all-out war laban sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) noong 2000.

Nabatid pa na si Pamittan ay pumasok sa ser­bisyo militar noong 1991 at natalaga na sa mga conflict zones sa Northern Luzon, Visayas, Sulu gayundin sa Central Mindanao. (Joy Cantos)

 

Show comments