Uuwing Pinoys babantayan sa Ebola

MANILA, Philippines - Mas mahigpit na pagbabantay ang gagawin ng gobyerno upang matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang Ebola virus dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga Filipino na uuwi sa bansa ngayong darating na Christmas holiday.

Ayon kay Communications Sec. Herminio Coloma Jr. mismong si Pangulong Aquino ay aminadong napakaraming Filipino ang nasa labas ng bansa kaya kinakaila­ngang palakasin pa ang sistema upang matiyak na hindi maaapektuhan ang Pilipinas ng nakamamatay na Ebola virus.

Sabi ni Coloma, agad na ia-isolate ang sinumang papasok sa Pilipinas na makikitaan ng mga ‘flu-like symptoms”.

Ipatutupad rin ang tamang proseso ng screening at quarantine sa mga matutunton na mayroong sintomas ng Ebola.

Mahalaga aniyang maihiwalay agad ang sinumang may sintomas ng Ebola upang hindi manganib ang mas maraming mamamayan.

“Doon naman sa mga Pilipino na manggagaling sa ibang bansa na kung saan ay nareport na ‘yung pagkakaroon ng possible carriers of Ebola, siyempre po, pagpasok nila sa ating bansa ay kinakaila­ngan ‘yung tamang proseso ng screening at quarantine. Kung mayroon pong matutunton na mayroong sintomas ng Ebola, ang tawag po dito ay flu-like symptoms, agad po silang dapat na i-isolate at ilagay sa proper facilities na kung saan ay agad na matutunton ‘yung kanilang kondisyon at maihihiwalay po sila para mailayo po sa panganib ang karamihan sa ating mamamayan,” ani Coloma.

Ipatutupad rin ang mahigpit na “extensive contract tracing” para sa sinumang magpo-positibo upang matukoy kung sino-sino ang mga nakasalamuha nila katulad noong nagkaroon ng MERS coronavirus.

Nauna rito, isang doktor sa New York kung saan may maraming bilang ng mga Filipino ang nagpositibo sa Ebola virus.

 

Show comments