MANILA, Philippines - Isinusulong ng isang lady solon ang panukalang batas na nagbibigay parusa sa mga stalker.
Sa House bill 5064 ni Sorsogon Rep. Evelina Escudero, dapat na mabigyan ng proteksyon ang mga biktima ng stalker na nalalabag ang kanilang karapatan dahil naha-harass, tinatakot at ginugulo ang pribadong buhay ng mga ito.
Nakasaad sa panukala na ang mga stalker ay makukulong ng anim na buwan hanggang anim na taon at multang P100,000 hanggang P500,000.
Kung ang biktima ay babae o menor de edad, ang pinakamabigat na parusa ang ipapataw sa mga stalker.
Ang mapapatunayang nagkasala ay kailangan ding sumailalim sa medical, psychological o psychiatric treatment.
Binibigyan din ng karapatan ang biktima na humingi ng injuction sa korte upang mapagbawalan ang stalker na lumapit sa kanya.