MANILA, Philippines - Posibileng ipadeport ang German fiance ng pinaslang na Pinoy transgender dahil sa pagpasok nito nang walang pahintulot sa Camp Aguinaldo at pagpapakita ng kawalan ng respeto sa mga awtoridad.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, hinihintay ng Immigration ang pormal na hiling mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Aniya, may kapangyarihan ang Bureau of Immigration na patawan ng deportation si Marc Suselbeck, fiance ng pinaslang na transgender na si Jeffrey/Jennifer Laude.
Bukod sa posibilidad ng deportation, pinag-iisipan din ng mga awtoridad kung kakasuhan si Suselbeck.
Miyerkules nang tangkain ni Suselbeck at kapatid ni Laude na si Marilou na makalapit sa detention facility ng suspek na si US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.
Sumampa ang dalawa sa bakod sa kabila ng pagtutok ng mga naroong sundalo.
Nakita pa si Suselbeck na tinulak ang isa sa mga sundalo habang nanatili lamang kalmado ang mga sundalong humaharang sa dalawa.