MANILA, Philippines – Bilang bahagi ng ika-75 taong Diamond Jubilee celebration ng QC, lumagda sa isang memorandum of agreement sina MTRCB Chairman Eugene “Toto” Villareal at QC Vice Mayor Joy Belmonte sa QC Hall kahapon.
Sa ilalim ng kasunduan, binigyan ng pahintulot ng MTRCB ang QC Film Development Commission na pinamamahalaan din ni Belmonte bilang chairman nito na maisagawa ang naturang film festival.
“Dito po ay binibigyan namin ng pahintulot ang komisyon na makapagsagawa ng self –regulate festival o sila mismo ang susuri sa mga pelikula na ipalalabas sa festival ng QC. Ito ay kauna-unahan nating ginawa sa isang LGU na dahil nga ang MTRCB ay nasa QC kaya naipatupad ito at nauna sa ibang lgu,” pahayag ni Villareal.
Binigyang diin naman ni Belmonte na dahil ang QC ay kilala bilang City of Stars at Child Friendly City ay bibigyan ng buhay sa mga pelikulang kasali dito ang tungkol sa mga kabataan gayundin ng ibang mamamayan na kapupulutan ng mga aral at pakinabang sa pamumuhay ng bawat isa lalo na ng mga taga-lunsod.
Tiniyak din ni Belmonte na gagawing libre ang pagpapalabas ng mga pelikulang kasali sa film festival.
Ang film festival na tatampukan ng mga magtutunggaling mga local at foreign filmmakers na kabibilangan ng mga baguhan at beterano ay ipapalabas sa sinehan sa Trinoma North Ave, QC mula November 5-11.
Inanunsiyo din dito na sa December 9-14 naman ay ipalalabas din sa Trinoma ang LGBT project na mga pelikula na may kinalaman sa buhay ng mga transgender, gay lesbian mula din sa mga filmmakers mula sa Pilipinas at ibang bansa.