Jennifer matutulad kay Nicole?

MANILA, Philippines – Pinangangambahang matutulad ang kaso ng transgender na si Jennifer Laude sa kaso ng Pilipinang si ‘Nicole’ (hindi tunay na pangalan) na ang mga sangkot ay mga sundalong Amerkano.

Ito ang ipinahiwatig ni Akbayan Rep. Walden Bello na kumakalampag sa Department of Justice ukol sa usapin ng kustodya kay US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton na pansamantalang nakakulong sa Camp Aguinaldo dahil sa pagkakapatay umano nito sa transgender na si Laude sa Olongapo.

Sinabi ni Bello na, kahit pansamantalang nakakulong si Pemberton sa isang military faci­lity, dapat magpalabas ng legal opinion si DOJ Secretary Leila de Lima na maglilinaw sa custody provision ng Visi­ting Forces Agreement ng Pilipinas at ng Amerika.

Sinabi ni Bello na dapat linawin kung makukulong lang si Pemberton sa Camp Aguinaldo sa panahon ng paglilitis ng korte o kagyat na hihilingin ng US na isailalim sa kustodya nito ang naturang sundalo. “Papayag ba ang Pilipinas na kunin ng Amerika si Pemberton?” pahiwatig na tanong ng kongresista.

Sinabi ni Bello na maaaring karapatan ng US authorities na hingin ang kustodya kay Pemberton alinsunod sa VFA pero hindi dapat ipaubaya ng pamahalaan ang sun­dalong Amerkano.

“Isa siyang Amerka­nong nakagawa ng krimen sa Pilipinas. Dapat siyang sumailalim sa Philippine Penakl system sa kanyang pagkakakulong at pag-uusig,” dagdag niya.

Nagbabala si Bello na maaaring matakasan ni Pemberton ang hustisya habang tumatagal ang usapin sa kustodya kaya mahalagang magpalabas ng opinyon ang DOJ.

“Ganyan ang nangyari sa kasong panggagahasa kay Nichole. Tumanggi ang mga awtoridad na isuko si US Marine Daniel Smith sa Philippine custody kahit nililitis na siya sa kasong panggagahasa hanggang sa mailigtas nila ito,” sabi pa ni Bello.

Tinutukoy ni Bello ang 2005 case ni “Nicole na hinalay ni Smith habang nasa tour of duty ito sa ilalim ng VFA.

Ipinaliwanag ni Bello na ang opinion ng DOJ ang susi sa pagtitiyak ng hustisya para kay Laude at maiwasang mabuhaghag ang soberanya ng Pilipinas sa ilalim ng VFA.

Show comments