PALO, LEYTE, Philippines – Siniguro kahapon ni Pangulong Benigno Aquino lll kay Vice-President Jejomar Binay na walang ginagawang fabrication of evidence ang gobyerno laban sa kanya.
Ito ang tiniyak ni Pangulong Aquino kay Binay nang magkausap sila sa Malacañang noong Miyekules ng gabi.
Inamin ng Pangulo na nakiusap si Binay na ipahinto nito ang imbestigasyon sa kanya ng Department of Justice kaugnay ng umano’ y hidden wealth nito.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa media interview dito matapos pangunahan ang pagdiriwang sa ika-70 taong anibesaryo ng Leyte Gulf landing na walang dapat ipag-alala si Binay sa gagawing imbestigasyon dito ng Department of Justice (DOJ) dahil ang Office of the Ombudsman pa din naman ang hahawak nito na isang independent body.
“Lalabas ang katotohanan at, sa kanilang dalawa, batid ng Bise Presidente ang totoo. Ginagawa naman ni Binay ang trabaho niya. Nagawa niya ito nang maayos. Walang dahilan na kastiguhin siya sa maganda niyang trabaho,” wika pa ng Pangulo sa panayam ng mga mamamahayag.
Aniya, walang lamat ang kanilang relasyon ni Binay at siniguro ng Bise Presidente ang suporta nito sa Pangulo hanggang sa huling araw nito sa puwesto.
“Ang pinakadulo nito sabi niya, baka kailangan siyang sumagot sa mga—or maglabas ng mga certain issues. Pero in-assure niya sa akin na ‘yung suporta raw niya as he has committed has not changed until the last day of my mandate,” dagdag pa ng Pangulo.
Siniguro naman ni PNoy kay Binay na lahat ng kanyang karapatan ay igagalang at magkakaroon siya ng due process.
Kasabay nito, pinayuhan ng Ako Bicol partylist ang mga nagsusulong ng impeachment complaint laban kay Binay na kalimutan na ang planong pagpapatalsik sa pwesto sa Bise Presidente.
Iginiit ng Ako Bicol partylist na maaapektuhan lang nito ang trabaho nila sa Kongreso at kung nais talagang patalsikin si Binay ay mabuti pang ipabauya na lang ito sa taong bayan sa 2016 presidential elections.
Para naman kay Nationalist Peoples Coalition (NPC) at Batangas Cong. Mark Llandro Mendoza, hindi napapanahon, divisive at magastos na political exercise ang impeachment proceedings.
Sa halip, pinayuhan ni Mendoza ang mga kakampi ng administrasyon na nagsusulong nito na asikasuhin na lamang ang mas importanteng mga bagay tulad ng mga programang magpapaganda sa buhay ng mga Pilipino.