MANILA, Philippines — Umalma si human rights lawyer Harry Roque ngayong Lunes sa pagbuntot umano sa kanya ng isang Amerikanong ispya kaugnay ng kaso ng pagpatay sa transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Sinabi ni Roque sa kanyang panayam sa dzMM na sigurado siyang isang Amerikano ang sumusunod sa kanya mula nang hawak niya ang kaso.
Hinala pa ng abogado ay isang sundalo ito dahil sa tindig nito.
"Nagpunta po ako sa tanggapan ng piskalaya, matapos ko pong makipagpulong, siya naman ang pumasok. Nagpunta po ako sa kapulisan, matapos akong makipagpulong, siya naman ang pumasok," pahayag ni Roque.
"Nagpunta po ako sa bahay ng isang testigo, paglabas ng bahay, nakita ko nandun na naman siya bagama't hindi siya pumasok.”
Sinampahan ng kasong murder si Private First Class Joseph Scott Pemberton sa Olongapo City Prosecutor's office dahil sa karumaldumal na pagpatay kay Laude nitong nakaraang linggo sa loob ng isang paupahang kuwarto.
Kasalukuyang nakakulong ngayon si Pemberton sa loob ng US amphibious assault ship USS Peleliu na nakadaong sa Subic Bay free port.
Dahil dito ay nais ni Roque na ipasok sa Witness Protection Program ang kaniyang testigo na si alyas “Barbie.”
Samantala, sinabi ng embahada ng Amerika sa Pilipinas na hindi dadalo sa preliminary investigation si Pemberton at ang iba pang testigo ng Estados Unidos.