20% discount ng senior citizens dapat ibigay kahit may privilege card - DTI
MANILA, Philippines – Dapat pa ring ibigay ang 20% diskuwento ng mga senior citizen kahit na may “privilege o membership card” na nagbibigay sa kanya ng hiwalay na diskuwento. Ito ang opinyon ng Department of Trade and Industry (DTI) sa kasong isinampa ng abogadong si Romulo Macalintal laban sa isang establisimyento noong nakaraang Hunyo. Inireklamo ni Macalintal, isang senior citizen, ang hindi pagbibigay sa kanya ng 20% senior citizen discount dahil nakuha na umano nito ang 50% diskuwento sa kanyang “privilege card”.
Sa argumento ni Macalintal, dapat hiwalay na pribilehiyo ang kanyang senior citizen card dahil ang kanyang privilege card ay binabayaran niya ng P8,800 kada taon.
Sinabi ni DTI Consumer and Trade Policy Division officer-in-charge Gerald Calderon, hindi lamang pinapayagan ang “double discount” kung nag-aalok ng “promotion” ang isang establisimyento. Sa kaso ni Macalintal, hindi umano maikukunsidera na “promo” ang nakuha nitong 50% discount buhat sa privilege card dahil binabayaran ito ng kustomer.
Nagkaayos na sa kaso ni Macalintal ngunit kasama rito ang paghingi ng opinyon sa DTI.
- Latest