Pamilya ng rape-slay victim umapela kay PNoy
MANILA, Philippines – Nanawagan kay Pangulong Aquino at DILG Sec. Mar Roxas ang pamilya ng 21-anyos na dalagang ginahasa at pinatay sa Puerto Princesa City kamakailan upang matukoy at maaresto ang tunay na salarin upang mabigyan ng hustisya ang biktima.
Sinabi ni Reynalyn Esparagosa, kapatid ng biktimang si Gia, hindi sila naniniwala na ang inarestong suspect ng Puerto Princesa police na si Noemi Benitez ang tunay na gumahasa at pumatay sa kanyang kapatid noong Oct. 11.
Inihayag ni Supt. Thomas Frias, police chief ng Puerto Princesa, na nadakip na nila si Benitez na pinaniniwalaang nasa likod ng panggagahasa at pagpatay kay Gia.
Ang batayan ng pulisya ay kasya daw dito ang nakuhang tsinelas sa crime scene pero duda ang kaanak ng biktima sa teoryang ito ng pulisya.
Pero sa nakuhang CCTV bago makitang patay ang biktima sa isang madamong lugar sa Bgy. San Juan, Puerto Princesa City ay nakasuot ng sapatos ang lalaking huling nakitang kasamang lalaki ni Esparagosa na isang spa worker.
Lalong nagduda ang mga mediamen dito sa paglutang ng isang empleyado ng Office of the Mayor ng Puerto Princesa City na nakilala sa pangalang Richard Ligac na umano’y kaanak ng biktima at kinukuwestyon nito ang mga mamamahayag na nais iparating kay Pangulong Aquino at Sec. Roxas ang pangyayari.
Dahil dito, maging ang mga mediamen ay nanawagan na rin kay PNP chief Alan Purisima upang muling buksan at kaso dahil sa kanilang paniniwala na may ‘whitewash’ dito.
- Latest