MANILA, Philippines – Isang kampo ng Abu Sayyaf Group ang nakubkob ng puwersa ng pamahalaan sa bayan ng Patikul, Sulu kahapon.
Ayon kay AFP spokesman Lt. Col. Harold Cabunoc, ang kampo na tila inabandona ng ASG ay maaring tirahan ng may 100 tao. May narekober din dito na mga materyales panggiyera.
Samantala, tumanggi naman si Cabunoc na ibigay ang eksaktong lokasyon ng kampo dahil patuloy pa anya ang pagtugis ng militar sa mga bandido.
Aniya ang kampo ay hindi ang pinaglagakan ng bandido sa hinostage nilang German couple na sina Stefan Viktor Okonek at Henrike Dielen.
“It (camp) belongs to another (ASG) group,” pagdidiin ng opisyal.
Giit pa ni Cabunoc, umaasa silang matutukoy nila ang mga bandido anumang araw at doon na nila gagamitin ang K-9 units para habulin ang mga bandido.
Samantala, dahil sa patuloy na pressure dala ng walang humpay na pagtugis ay nagpasyang maghiwa-hiwalay ang puwersa ng Sayyaf at humalo sa mga sibilyan upang makaiwas sa militar.