Marijuana bill idinepensa ng solon
MANILA, Philippines – Nanawagan kahapon si Isabela Congressman Rodolfo “Rodito” Albano III sa Kongreso at sa mga doktor na tignan muna ang merito ng kanyang medical marijuana bill at bigyan ng tsansang mapagdebatihan ang ligtas, kontrolado at kapaki-pakinabang na paggamit ng marijuana dahil malaking bagay ito sa mga taong merong malubhang karamdaman.
Si Albano ang awtor ng House Bill 4477 o Compassionate Use of Medical Cannabis Bill na mahigpit na tinututulan ng ilang grupo ng mga doktor.
Idiniin ni Albano na ang kanyang bill ay naglalaman ng napakahigpit na mga probisyon para matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente sa paggamit ng medical marijuana.
“Itinataguyod namin ang ligal na paggamit ng medical marijuana sa mga pasyenteng merong malubhang sakit. Hindi itinataguyod ng panukalang-batas na ito ang paggamit ng marijuana para sa recreational purposes,” paliwanag ni Albano na nanawagan sa mga tumututol dito na pag-aralan munang mabuti ang kanyang panukala bago husgahan.
“Merong mahigpit na probisyon sa panukala sa pagggamit ng medical marijuana para hindi maabuso at makapaminsala sa pasyenteng ligal na pinapahintulutan ng duktor na gumamit nito.
Mahigpit din ang pagpapagamit sa marijuana sa panggagamot dahil pinapayagan lang ito sa mga pasyenteng merong napakalubhang karamdaman,” diin pa ng kongresista.
Sinasabi naman ng mga grupo ng mga doktor lalo na ng Philippine Medical Association na, bagaman naiintindihan nila na ilang pasyente ang maaaring makinabang sa ligalisasyon ng medical marijuana, ang pagtutol nila sa panukalang-batas ay bahagi ng kanilang moral at ethical responsibility na tiyakin ang kaligtasan ng mga pasyente.
Iginigiit naman ni Albano na ang debate sa medical marijuana ay dapat nakatuon sa kahalagahan nito bilang gamot kasabay ng pagsasabing siya mismo ay tutol sa anumang anyo ng pag-abuso sa paggamit ng marijuana tulad ng pot session at iba pang iligal na layunin.
- Latest