MANILA, Philippines - Hindi na dapat pang baguhin ang P8.50 minimum fare sa jeep kahit na may naganap na oil price rollback nitong nakaraang linggo.
Ayon kay Zeny Maranan, pangulo ng Fejodap, hindi naman bumababa ang presyo ng mga bilihin, spare parts at maintenance fee kapag bumababa ang halaga ng diesel. Sabi rin ni Maranan, dapat isaalang-alang ng iba pang jeepney group na wala namang nagaganap na pagbaba sa mga gastusin ng kanilang hanay kapag may nababawas sa presyo ng diesel na gamit ng mga passenger jeepney.
“Bumaba nga ngayon ang presyo ng diesel, pero pagdating ng November na matindi na ang paglamig, kalimitang tumataas ang presyo ng diesel at gasolina kaya di na dapat ibaba ang pasahe sa jeep, taon-taon yan pag November, may oil price increase,” dagdag ni Maranan. Anya magdudulot lamang ng kalituhan sa tao ang pagbaba at pagtaas sa pasahe sa jeep.
Tutol din ang Piston at Altodap na ibaba pa sa P8.50 ang pasahe dahil sa hirap ng buhay sa ngayon at maliit lamang ang maiiuwing kita ng isang driver sa kabila na sobrang taas ng mga bilihin.
Gusto ng Pasang Masda at ACTO na maibaba sa P8.00 ang minimum na pasahe matapos magrollback nitong nakaraang araw.