MANILA, Philippines - Itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may ibinayad na P250 milyong ransom kapalit ng pagpapalaya sa dalawang German na binihag ng Abu Sayyaf.
Ito’y matapos sabihin ni Sayyaf spokesman Abu Rahmi na pinawalan na nila sina Stefan Viktor Okonek, 71, at partner nitong si Henrike Dielen, 55 matapos mapasakamay ang hinihinging ransom.
“Nakuha na namin ang ransom, walang labis, walang kulang,” ani Rahmi.
Biyernes ng gabi nang makuha ng AFP ang kustodiya nina Okonek at Dielen sa isang checkpoint sa Patikul, Sulu.
Magugunita na nagbigay ng palugit ang Sayyaf na hanggang alas-3 ng hapon nitong Biyernes na pinalawig ng hanggang alas-5 para makuha ang P250 M ransom at kung hindi ay pupugutan ng ulo si Stefan na ipinosas na ang dalawang kamay at hinukay na rin ang libingan.
P250 milyon ang unang hininging ransom ng Abu Sayyaf pero ayon sa report, P60 milyon umano ang ibinayad ng German Embassy kapalit ng kalayaan nina Okonek at Dielen.
Sabi ni AFP Public Affairs Office chief Lt. Col. Harold Cabunoc, nakalaya ang dalawang German dahil sa pinatinding operasyon ng militar sa Patikul.
Ito aniya ang nagbunsod para mapilitan ang mga bandido na pakawalan ang dalawa.
Sa ngayon ay hawak na ng German Embassy sa Makati ang mag-asawang Aleman.
Bandang 6:45 ng umaga kahapon nang dumating sa Villamor Airbase sa Pasay City ang sinakyang eroplano ng dalawa.
Inaalam kung magtatagal pa sila sa Maynila o iuuwi na sila sa Germany.
Kaugnay nito, inutos naman ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang ang full scale rescue operations para sa nalalabi pang 10 bihag ng mga bandido.
Kabilang sa tumutugis sa mga kidnappers ay ang dalawang batalyon ng Army Brigade, isang company ng Special Forces, K9 teams, PNP Special Action Force o libong puwersa.
Kabilang naman sa 10 bihag ang dalawang European birdwatchers na sina Ewold Horn, Dutch national at Swisss Lorenzo Vinciguerra na dinukot noong Pebrero 1, 2012; Japanese treasure hunter na si Toshio Itto na dinukot noong Hulyo 10, 2010 na umano’y ginawa ng tagapagluto ng mga bandido at iba pa.